Ngunit, kilala mo ba kung sino talaga ako?

on Huwebes, Enero 10, 2013

Bagong taon, bagong termino at bagong blog. Hindi na ako bago sa lumalagong industriya ng blogging. Sa katunayan, may isa akong personal blog ngunit sa Tumblr naman iyon. Itong blog na ito ay maglalaman ng mga pagninilay-nilay at pananaw ko ukol sa isang asignatura na pinag-aaralan ko ngayon ang CULPOLI; pati na rin ang mga bagay-bagay na nangyayari sa ating mundo na maaari kong maigunay sa mga natutunan ko mula sa klase. Nawa’y mas lumalim pa ang kaalaman ko ukol sa kultura’t pulitika at kung paano sila nagkaroon ng ugnayan.



Noong umpisa ng klase, pinag-usapan namin ang tungkol sa identity o pagkakakilanlan. Sa palagay ko ang blog na ito ay makakatulong sa akin para mas makilala ko pa ang aking sarili. Naalala ko pa ang sinabi ng aming maestro na bago matapos ang sesyon mas makikilala namin ang sarili namin. Kumbaga, hindi ikaw ang inaakala mong ikaw.




Ang identity o pagkakakilanlan ay kung sino ka at kung ano ang bumubuo sa iyong pagkatao.
Sino nga ba ako?  

Sige na nga magpapakilala na muna ko. Marahil tamang simulain na para sa unang blog entry ko ay maipakilala ko ang sarili ko.


Umpisahan natin sa pangalan ko. Ako si Geraline Mae Z. Ramones. Ang ngalan kong Geraline ay nakuha sa pinagsama pangalan ng magulang ko Gerald at Joseline (Gera+line); pagkatapos iyong Mae dinagdag lang daw talaga para maging dalawa ang pangalan ko. Ang palayaw ko talaga ay Mae ngunit noong tumuntog ako sa ika-apat na baitang, may kaklase akong nagpauso ng bagong palayaw ko na Gelai, kaya tuloy dalawa na ang palayaw ko.


Ako ang panganay. Dalawa kaming magkapatid na babae; malaki ang agwat sa edad namin. Humigit kumulang mga walong taon ang agwat namin. Laking Maynila na ako; ang lolo't lola ko ang nagpalaki sa akin. Pero tuwing Biyernes ng gabi, umuuwi kami ng Bulacan sapagkat doon talaga ang tirahan namin. Nagtapos ako ng elementarya at sekondarya sa Immaculate Heart of Mary College. Ah tapos kasalukuyan akong nag-aaral sa Pamantasan ng De La Salle at ngayon sana ang huli kong termino tapos gagraduate na ko; pero mag-aaral pa uli ako ng Accountancy tapos saka ako maglo-Law. Mahilig ako magbasa ng libro, sa musika, kumain, mag-computer, sumulat/mag-blog, pumunta sa iba’t ibang lugar at kumuha ng mga imahe. Marunong din akong sumayaw at tumugtog ng piyano at byolin. 


Ako ay isang simpleng tao na maraming pangarap sa buhay. Libre lang naman daw mangarap di ba? Pero siyempre sisiguruhin kong maabot ko ang mga iyon. Kapag nakita mo ako sa una, aakalain mong mataray ako o di kaya'y masungit, tapos iisipin mo tahimik pa ko. Mag-iiba iyon kapag nakasama mo na ako. Makuwela at makulit talaga ako. Pero pagdating naman sa pag-aaral seryoso talaga ako.  Ang tanging layunin ko sa aking buhay ay makatapos ng pag-aaral at makakuha ng magandang trabaho. Gusto ko rin maging marangya sino ba ang ayaw di ba? Isa pang pangarap ko ay malibot ang mundo. Sinisiguro kong maabot ko ang mga pangarap ko na kahit anong landas ay tatahakin ko.Tapos ayon, wala na kong masabi pa eh.


Lahat ng tao ay may iba’t ibang pagkakakilanlan. Ipinanganak tayo ng mga taglay na kakaibang pangalan, pagkatao, ugali at iba pa. Ang ating pagkakakilanlan ang bumubuo sa kung sino tayo sa ngayon at sa hinaharap. Sa paglipas ng panahon at pagdaan ng samu’t saring pangyayari, mas nakikilala natin ang ating mga sarili.


Sa ngayon, ang aking sarili o pagkakakilanlan ang ninais kong ibahagi sa aking blog.

Basta ako, gusto ko maging si ako, kahit sino pa man iyon.



Sanggunian:

(2007). [Image of photograph]. Retrieved January 15, 2013, from http://wozzles.deviantart.com/art/Identity-71449257

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento