Salamin, salamin, sino o ano nga ba ako sa’yong paningin?

on Martes, Enero 29, 2013

Sino ba ako para sa iba? Ano nga ba ako para sa kanila? 



Ito marahil ‘yung isa sa mga pinakamadalas na itanong natin sa mga taong malalapit sa atin o kahit sa mga estrangherong nakita pa lang natin. Tinatanong natin ito kasi gusto natin malaman kung ano nga ba ang perspektibo ng ibang tao tungkol sa atin. Dito sa blog na ito, ilalathala ko ‘yung diskurso ng ibang tao na nalaman ko tungkol sa akin.


Teka, bago ang lahat, bakit ko nga ba sinulat itong blog entry na ito? Sa klase kasi kanina, tinalakay namin ang ukol sa diskurso. Ang diskurso o discourse ay ang katangiang paraan kung saan ang isang panlipunang kahulugan ay nakakabit sa isang pangyayari, bagay o pagkilos. Ito ay napapakitang tunay sa paraan kung paano napag-uusapan ang mga bagay-bagay. Natatagpuan ito sa paggamit ng mga salita sa pamamagitan ng wika. Ngunit, maaari rin itong matatagpuan sa kawalan ng mga pananalita o pagkakaroon ng katahimikan; ang katahimikan mismo ang diskurso. Ang diskurso ay produkto rin ng konstekto ng power relations sapagkat sa konstekto ng power relations nanggagaling ang mga social meanings o panlipunang kahulugan kasabay nito ay ang pagbuo ng mga ideolohiya. Ang isang diskurso ay nagiging ideolohiya kapag ang diskurso ay ginagamit na upang mangatwiran ukol sa isang panlipunan o pulitikal na pagsasaayos o sitwasyon. Kanina sa klase napagtanto ko na ang ideolohiya ay hindi na ‘yung mga maringal at dakilang ideolohiya na nakasulat lamang sa mga aklat, subalit ang ideolohiya sa panahon ngayon ay naka-embed na sa mga popular na kultura at ordinaryong pamumuhay. Matatagpuan ang ideolohiyang ito sa mga palabas o pelikula na pinapanood ng mga tao; sa mga website na pinupuntahan; sa mga larong nilalaro; sa mga produktong tinatangkilik; sa pamumuhay na pinipili ng bawat isa; sa mga aklat o magasin na binabasa; sa musikang pinapakinggan at sa iba’t ibang anyo ng leisure na ating kinatutuwaan.

Base sa talakayan sa diskurso, nabanggit na sa amin ‘yung pagsasanay nga na alamin namin ‘yung diskurso ng ibang tao sa amin. Ang imahe o personalidad ng isang tao ay napakahalaga sa kahit anong bahagi mo pa tignan. Kasi ‘yung imaheng pinapakita mo sa iba ‘yung nagiging batayan ng mga tao upang makilala ka, upang makilatis ka nila. May ibang taong pinapakita ‘yung totoo nilang imahe; may iba namang mapagpanggap. Kahit magpakatotoo ka pa o magkunwari, huhusgahan at huhusgahan ka naman nila eh. Pero, sa akin nga ba ano ang diskurso nila? Madalas ang unang sapantaha o impresyon ng mga tao sa akin ay suplada, masungit, maldita, tahimik, hindi palakibo, may sariling mundo, mahirap pakisamahan, marunong, at seryoso sa buhay. Hm, sa katunayan totoo lahat ng iyon. Sa katunayan, ang pinakamadalas na natatanggap kong unang impresyon ay suplada o masungit daw ako. Haha, nakakatawa kasi e, may tinanong ako kung ‘paano ako naging masungit’, ang sagot sa akin ay ‘hindi raw kasi ako palangiti’; pero kasi gan’on talaga ako eh. Ano ‘yun ngi-ngitian ko lahat ng makikita ko? Baka magmukha akong praning nu’n saka ‘di ako pulitiko para gawin ang pag-ngiti sa bawat makakasalubong ko. Ha! Maldita, suplada, masungit... oo lalo na kapag ayaw ko talaga d’on sa taong ‘yun. Hindi ko naman ikinakaila ‘yun e. Ang totoo pa riyan ay self-proclaimed na maldita ako. ‘Yung sa tahimik, sabi ng mga kaibigan ko ‘akala ko tahimik ka dati hindi pala’ siyempre sa umpisa tahimik kasi nakakahiya namang magulo agad ako ‘di ba? Tahimik ako kapag hindi ko gaanong ka-close ‘yung mga kasama ko pero kapag sobrang malapit ako d’on sa mga kasama ko, nako asahan mong makulit, weirdo at magulo ako. ‘Yung sa may sariling mundo, sinabi sa akin yan ng tatay ko, eh kasi raw ‘kapag nasa bahay ka, nakakulong ka lang lagi sa kwarto, aral nang aral parang nasa ibang dimensyon ka’ haha, nakakatawa nga eh, siguro nga may sarili akong mundo tapos ako lang ‘yung taong nabubuhay d’on ayon kaya ‘yun! Sunod, sa hindi palakibo, totoo rin naman ‘yun, bakit ko kikibuin eh ‘di naman kita kilala, malay ko ba kung may gawin ka sa’kin siyempre kaligtasan ko muna! Kikibo naman ako eh kapag alam kong harmless ‘yung taong kasama o kaharap ko. Sa mahirap pakisamahan, nako idagdag mo na ‘yan kasi nga masungit ako nye, hindi naman sa mahirap ako pakisamahan, kapag ayaw ko kasi do’n sa tao ayaw ko, hindi na ako mag-e-effort na pakisamahan pa siya; eh sa ayaw ko nga sa kanya eh; ‘di kasi ako plastik. Sa marunong at seryoso sa buhay, hm, marunong saan? Saang aspeto? Sa pagkain oo, ‘di biro lang; marahil para sa iba magaling o marunong ako; sabi nila eh; sa seryoso sa buhay, siyempre no, lahat naman ng tao seryoso sa buhay eh, pero uy ah di naman ako sobrang seryoso sa buhay ko, tumatawa rin kaya ako; haha, baka mabaliw na ako kapag sobrang seryoso ko ‘di ba? Gusto ko pa idagdag ‘yung diskurso ng mga taong ‘di ko gaano ka-close, sabi nila ang prangka ko raw magsalita kasi kung ano ‘yung nais kong sabihin sinasabi ko agad-agad, tapos masipag at maasahan. Totoo naman ‘yun eh.

Ay nako, lahat na yata ng diskuro ng ibang tao sa akin-maging malapit man o hindi sa akin ay pawang katotohanan. Sadyang pinapakita ko nga lang sa kanila kung sino o ano talaga ako. Alam mo ako kasi naniniwala na hindi ako pinanganak sa mundong ito para i­-please ‘yung ibang tao. Hindi naman sa magiging wala akong pakialam sa sasabihin nila; ayaw ko lang magkunwari; sige magugustuhan nga nila ako pero alam ko naman sa sarili ko na hindi ako ‘yun eh, ano pang silbi no’n, pati sarili ko niloloko ko rin kapag gano’n. Oo may pakialam ako sa diskurso ng ibang tao sa akin at talagang inaalam ko ‘yun kasi para din sa akin ‘yun eh, pero hindi ko hahayaang maapektuhan ako ng mga diskurso nila.

May patakaran ako sa buhay eh: may pakialam ako at wala akong pakialam. May pakialam ako kasi siyempre ako ‘yung pinag-uusapan eh, aalamin ko lang ‘yun tapos kung maganda ‘yung sinasabi nila eh ‘di mas pagbubutihan ko pa. Pero kapag hindi maganda o kanais-nais, eh ‘di tatanggapin ko pero kapag pinilit akong magbago ng mga taong nagsasabi ng diskursong ‘yun, nako mas mabuti pang wala na lang akong pakialam sa diskursong iyon.

Nasa sa’yo naman iyan kung itatanong mo ‘yan sa ibang tao eh. Tingin mo ba na dapat mo pang itanong ‘yan o hindi na? Pero kasi dapat handa ka sa makukuha mong kasagutan eh. Ikaw kung nais mong malaman kung ano ang pagtingin ng iba sa’yo eh ‘di itanong mo. Ikaw lang makakasagot niyan. Pero kung ako ang tatanungin, habang maaga pa nararapat pang alamin mo ‘yung iniisip nang ibang tao sa’yo okay na ‘yung may alam ka; alam mo ‘yung papanaw nila sa’yo. Hindi naman kailangan maapektuhan ka sa sagot na makukuha mo sa kanila eh; hindi mo rin naman kailangan magbago eh. Ang mahalaga lang ay may kamalayan ka. 

Mga Sanggunian:
Contreras, A. (2012). CULPOLI: Lecture Note.[PowerPoint Slides]
(2007). Retrieved January 29, 2013, from http://fc02.deviantart.net/fs13/f/2007/089/8/a/gossip_by_Darkhog.gif
(2011).I Look Good WIP [Online video]. Retrieved January 29, 2013, from http://vid00.deviantart.net/fs19/v/mp4/2011/110/e/0/i_look_good_wip_by_joker0720-d15654h.mp4
(2012). Retrieved January 24, 2013, from http://24.media.tumblr.com/tumblr_ljvm9oWB5e1qixleeo1_500.gif
(2013). Retrieved January 29, 2013, from http://fc07.deviantart.net/fs34/i/2008/310/3/5/Gossiping_Cups_by_eesss.jpg 

Kahit maging ano at sino ka pa man


Pawang kasiyahan lamang ang nilalaman ng blog entry  na ito

Sexist? Racist?

Ganyan nga ba ako? Hm. Inaamin ko oo madalas. Marahil lumaki kasi ako sa isang lipunan kung saan ang dalawang uri lamang dapat ay lalaki at babae. Tapos sa kulay, dapat morena o maputi. Natatak na ‘yun sa aking isipan simula bata ako. Oo nu’ng bata ako tingin ko nagawa ko ng mang-asar o mantawag ng ‘bakla’ ‘tomboy’, ‘silahis’, ‘negra’ at iba pa. Pero siyempre habang lumalaki ako, hindi ko na ginagawa ‘yun no! Musmos pa kasi ako noon eh sa ngayon nasa tamang pag-iisp na ako. Alam ko na ngayon na hindi tamang gawain ‘yun eh. Mapapahamak pa ako kapag ginawa ko ‘yun haha.

Sa klase may ginawa kaming parang exercise tinanong kami ng propesor namin kung sino daw ang nais naming i-date isang American daw ba o isang African, marami sa amin ‘yung maputi ‘yung pinili pati ako puti pinili ko no! Eh kasi sa totoo lang may something  ako sa mga maiitim eh parang ano kasi di ba sa mga palabas sila ‘yung masasama eh nakagisnan ko ‘yung ganoon tapos kaya minsan nakakatakot sila. Waa, ang sama ko na. Pero  kasi ‘yun yung naiisip ko eh. Pilit ko namang binabago ‘yun eh. Iniisip ko na lang na paano kung ako ‘yung may ganoong kulay hindi ba? Masama talagang manghusga lang dahil sa kulay eh. Doon ko napatunayan sa exercise na iyon na simula’t sapul sadyang mas angat ang tingit at trato sa mga mapuputi. Hay nako, kailan kaya magiging pantay-pantay ang lahat kapag pantay-pantay na rin ‘yung kulay natin? Haha. Imposible. Ang pangit naman pakinggan noon! Dapat kasi alam ng bawat isa ang respeto at pagtanggap eh. Kulay lang naman yan.

Tapos nais ko ring pag-usapan ‘yung ukol sa pagiging sexist ko ganoon. Sa katunayan, ayos lang naman sa akin ang mga bakla at tomboy; eh may kaibigan nga akong tomboy eh tapos pinsan ko may pagka-bakla. Masaya naman sila kasama promise! Hindi naman nakakailang eh. Nakakaaliw pa kaya lalo! Ayos lang naman sa akin ‘yun. Ang ayaw ko lang kapag nagko-cross dress na sila. ‘Yung tipong nagdadamit pambabae na ‘yung bakla tapos panlalaki naman ‘yung sa tomboy; tapos ‘yung pagdadamit pa nila sobrang exaggerated na o OA. Medyo na-di-distract  kasi ako kapag ganoon eh. Pero wala naman akong magagawa kung iyon ang paraan nila para ipahayag ang pagkatao nila hindi ba? Sino ba naman ako para husgahan sila?

Okay lang. Tanggap ko naman na may pagka-racist at sexist ako pero hindi naman grabe ah! Sa isip ko na lang ‘yun hindi ko na lang sinasabi. Wala naman kasi akong karapatang manghusga nang basta basta eh. Kulay lang yan! Gender lang yan eh! Hindi ko pa naman sila lubusang kilala eh. Paano kung ako ‘yung ganunin nila hindi ba? Basta dalawang bagay lang naman eh, respeto at pagtanggap.

Mga Sanggunian
(n.d.). Retrieved January 29, 2013, from http://25.media.tumblr.com/tumblr_lz9jsdms8V1qj1uhto1_500.gif
(n.d.). Retrieved January 29, 2013, from http://25.media.tumblr.com/tumblr_luoz1m2dXv1r6aoq4o1_250.gif

Tatanggapin mo ba o lalaban ka?

on Huwebes, Enero 24, 2013


Ano?! Lalaban  ka? O sasaluhin mo lang lahat ng sakit?



Ipinanganak ang bawat tao sa mundong ito na may taglay na kapangyarihan at lakas. Likas na sa bawat indibidwal ang magkaroon ng kapangyarihan. Kaakibat nitong kapangyarihan ay ang pagkakaroon ng gusot o sagupaan; siyempre walang sinuman ang gustong magpatalo. Kapag natalo ka, mahina ka, at kapag nanalo ka, malakas ka tapos kikilalanin ka pa. Sa bawat pagpanalo ng isang tao sa sagupaan, sinasabing mas tumitindi ang kapangyarihang taglay niya at dahil pakiramdam niya ay mas malakas na siya kumpara dati ay magsisimula na siyang maging dominante at magma-marginalize na siya ng ibang tao. Dito na pumapasok yung iba’t ibang anyo ng domination at marginalization na natalakay ko na sa nakaraang blog entry ko.



Hindi maiiwasang dumating ang mga pagkakataon sa ating buhay na maranasan nating maapi o ma-marginalize ng ibang tao. Sa tuwing tayo ay nakakaranas ng mga ganitong sitwasyon, ano nga ba ang ginagawa natin? Paano nga ba natin hinaharap ‘yung mga nang-aapi at nang-mamata sa atin? Nararapat bang tanggapin ‘yung mga masasakit na bagay na ginagawa nila sa atin? Nararapat bang hayaan lang natin silang lumapastangan sa ating pagkatao? O lalaban tayo para ipakita sa kanila na hindi dapat nila ginagawa ‘yun? Mahirap isipin. Mahirap ding sagutin. Marahil madali mong masasabi ang “oo” o “hindi” sa mga nabanggit na mga katanungan subalit mahirap gawin at panindigan ‘yung “oo” at “hindi” na ‘yun. Gaano man katalino ang isang tao, sadyang mahihirapan din siyang isipin kung ano ba ang dapat gawin at sagutin sa mga nabanggit na katanungan.




Sa klase kanina, napag-usapan namin ‘yung iba’t-ibang uri ng resistance o paglaban o pagtutol. Una ay ang collective action na tumutukoy sa mga pag-aalsa at rebolusyon. Ikalawa ay ang passive disobedience na isang hindi marahas na paglabas; dito hindi ‘yung taong nag-re-resist ay hindi lang sumusunod doon sa oppressor. Gan’un lang siya ‘di siya susunod kahit pa anong utos ng oppressor sa kanya. Pero kasi dito, wala namang pagbabagong nagaganap kasi sa bawat ‘di pagsunod, iintayin mo lang mapagod ‘yung oppressor mo pagkatapos n’un kapag malakas na ulit, gan’un na naman ulit. Ikatlo, ang mga ordinaryong uri pa ng paglaban tulad ng paggamit ng mga lugar ng dominasyon tutol sa sarili nila; ang weapons of the weak na kinabibilangan ng chismis, pagdadahilan ng “hindi ko alam” kahit na alam mo, pagpapatay-malisya o dedma, pagsabotahe, pangungupit at pagiging sadyang tamad; pati ang parodya (parody) o nakakatawang imitasyon at pagtawa sa oppressor; at bricolage o ang paggamit ng pagkamalikhain upang makaya, makaligtas o hamunin ‘yung oppressor o dominant.





Dito sa susunod na bahagi, nais kong pagnilayan ‘yung iba’t ibang uri ng paglaban. Nagawa ko na ba ang ilan sa mga ito? Oo? Hindi? Ano nga kaya? Ako hindi ko talaga gusto ‘yung may nang-do-dominate sa akin. Gusto ko ako ‘yung nang-do-dominate. Pakiramdam ko kasi kapag may nang-dominate sa akin, mahina akong nilalang, wala akong kwenta, ‘yung gan’un ba. Naiinis talaga ako kapag may taong nag-fi-feeling na mas malakas siya sa akin; eh kasi naman pantay lang kaya kami; nagkataon lang na hindi ko gaano ginagamit ‘yung tagalay kong kapangyarihan. Iniipon ko kasi ‘yun. Haha. 


Bilang pagpapatuloy, sa mga nabanggit na uri ng paglaban, hindi ko pa naman naranasan na mag-aklas o sumali sa rebolusyon; ayaw ko kasi ng gulo, nakakatakot kaya; mas ayaw ko lalo ng dugo; ayaw ko nakakakita nang mga taong nagkakasakitan eh; ‘di ko maatim. ‘Yung sa passive disobedience, madalas ito ang ginagawa ko. Lalo na kapag ‘yung taong nang-do-dominate sa akin ay ‘yung di ko tipo. Nako, manigas na siya sa kakadada, kakautos at kung ano pa man, ‘di talaga ako susunod sa kanya. Matigas na kung matigas. Gagawin ko lang ‘yung kung alam kong matino tapos para sa ikakabuti ko pa o nang ibang tao.Hindi ko pa rin naman nagawa ‘yung paggamit ng lokasyon ng dominasyon mismo laban sa sarili nito; pati pagkupit, sabotahe at pangungupit (masama kaya mangupit; salungat kaya ‘yun sa Sampung Utos ng Diyos: “Huwag magnanakaw!”) ‘Yung sa pag-chismis, hindi ko pa naman nagawang magpakalat ng chismis ukol sa isang tao; nakikinig oo. Haha. Mahirap kasi ‘yung ganyang chismis; panigurado, away at gulo ang abot; ang tsimis kasi walang sapat na basehan eh, hindi mo alam kung totoo o imbento lang talaga; ako kasi gusto ko kung mang-chi-chismis man ako ‘yung totoo saka ‘yung may basehan ako; mahirap nang mapahiya no at saka kunwari harapin ka n’ung taong chinismis mo, may pruweba kang ipapakita na pawang katotohanan lang ‘yung pinagsasabi mo tungkol sa kanya ‘di ba? Sa feigned ignorance o pagpapatay-malisya, nako isa pa ito sa madalas kong gawin lalo na sa tatay ko; eh kasi naman madalas ang dami niyang uutos tapos itatanong nakakapagod din kaya tapos nakakairita rin paulit-ulit kasi, kaya sasagutin ko ng “di ko alam (x10)” hahaha; tapos siya na rin naman gagawa n’ung uutos niya o ‘di kaya sasagutin ‘yung tanong niya. Ganyan din ako sa mga taong ‘di ko lang talaga gusto.Tapos sa deliberate laziness o pagiging tamad ng sadya, may mga pagkakataon na ganyan ako lalo na kapag masarap magpahinga at matulog; lahat ng dahilan, idadahilan ko na huwag lang akong mautusan o ‘di kaya magtutulug-tulugan at magkukulong sa kwarto. Sa bricolage, parody at laughter, isa rin ito, minsa tinatawanan ko na lang ‘yung taong nang-do-dominate sa akin; ‘yung pipikunin, aasarin o tatawagin ng mga katawa-tawa, kapag napikon o asar siya eh di tapos na ang laban, talo siya, panalo ako, masaya pa rin ako. Isa pang uri ng paglaban na ginagawa ko na madalas-pinakamadalas ay ang pagsagot (nang pabalang) hindi naman lagi pabalang, basta sumasagot ako kapag hindi ko gusto ‘yung ginagawang pag-dominate sa akin.






Sa katunayan, habang ginagawa ko ‘tong blog entry na ito, naisip ko na may pagka-palaban nga ako (palaban pero iyakin naman, nye). Basta ayaw ko kasi na naapi ako eh, o na-a-under. Hangga’t maaari, lalaban talaga ako, siyempre sarili ko kaya ‘to. Hindi ako ginawa ng Diyos. Hindi rin naman ako pinanganak para apihin at maging alila o maging sunud-sunuran sa iba no. Sariling buhay ko kaya ‘to, ako ang boss; hindi ikaw, sila, basta ako.


Sa ating mundo, likas ang kapangyarihan, bale likas din ang paglaban ng isang tao para hindi mahigit ang kapangyarihang taglay niya. Nasa indibidwal naman ‘yan eh kung tatanggapin niya ‘yung pag­­-dominate sa kanya eh at susuko nang tuluyan o lalaban ka. Pero dapat laging tandaan na dapat marunong kang lumaban.  Kung kinakailangan mo lumaban, eh di lumaban ka. Kung alam mong nilalapastangan na ‘yang pagkatao mo, hindi na tama na tanggapin mo lang ‘yun. Harapin mo yung nang-do-dominate sa iyo.           

  Hindi sa lahat ng oras tanggap ka nang tanggap; lumaban ka. Kung sa paglaban mo, nararamdaman mong talo ka na, huwag mong iisipin na talo ka; sabihin mo sa sarili mo “hindi ako talo, hindi ako matatalo, lalaban ako hanggang sa huli”.





Mga Sanggunian
Contreras, A. (2012). CULPOLI: Lecture Note.[PowerPoint Slides]
(2012). Retrieved January 24, 2013, from http://fc07.deviantart.net/fs70/f/2012/069/9/5/fish_bat_by_xelioth-d4sd89c.gif
(2010). Retrieved January 24, 2013, from http://fc00.deviantart.net/fs70/f/2010/159/0/5/dual_ticon_by_Ace0fredspades.gif
(2012). Retrieved January 24, 2013, from http://www.pokinyeung.com/wp-content/uploads/2012/11/founders-fighting.jpg
(2007). Retrieved January 24, 2013, from http://fc07.deviantart.net/fs18/f/2007/149/7/d/Resistance_by_dexityZero.jpg

Naranasan ko na ba? Nagawa ko na ba sa iba?

on Martes, Enero 22, 2013




Marahil ito ang unang blog entry na masasabi kong medyo personal sa akin. Bakit nga ba personal? Malalaman mo kapag nabasa mo. Pero ‘yung totoo, aaminin ko medyo nahirapan akong sagutin at isulat dito ‘yung mga iniisip ko kasi siyempre maraming makakabasa ‘di ba? Tila kasi isang rebelasyon ang blog entry na ito ng isang bahagi ng aking pagkatao e. Kaya ayon, kung anuman ang nakalahad dito sa entry na ito ay ‘yun ang nasasaisip ko, ang karanasan ko. 

 
Kanina sa klase, itinuloy namin ang pag-aaral ukol sa identity politics o pulitikang tumutukoy sa pagkakakilanlan. Ang identity politics, sa saligan nito, ay maaaring tumukoy sa mga argumentong pampulitika na ang tampulan o pokus ay ang pansariling interest ng isang indibidwal o grupo ng mga indibidwal. Binigyang-diin namin sa klase kanina ang kahulugan ng identity o pagkakakilanlan na tumutukoy sa kung sino o ano ang isang tao. Kaakibat ng pagkakakilanlan ay ang mga katangian; una ay ang ascribed na tumutukoy sa mga katangian na likas na sa iyo, na noong pinanganak ka ay akin mo na; ang ikalawa naman ay ang achieved na tumutukoy sa mga katangiang nakukuha mo. Hindi na lingid sa ating kaalaman na ang ating pagkakakilanlan ay nahuhulma dahil sa iba’t-ibang salik tulad na lamang ng genetiko at ng lipunan. Nasa atin na naman kung paano natin tatanggapin ang unti-unting pag-impluwensiya ng mga salik na ito sa ating mga pagkakakilanlan.

Nabanggit sa klase na ang pagkakakilanlan ay bunga ng power relations sa isang lipunan. Naniniwala ako rito. Katulad ng nasabi ko sa mga naunang blog entries ko lahat ng tao ay may taglay na kapangyarihan; pero umaabot sa punto na may ibang tao na tila ba nagtataglay na higit na kapangyarihan tapos mayroon namang mahihina; dito na pumapasok ‘yung konsepto ng dominance at submission. Sa isip, ang naaayon ay ang lahat ng tao ay mga subjects ibig sabihin pantay pantay ang lokasyon sa lipunan pero dahil nga sa iba’t-ibang salik ay may mga nagiging objects. Ang konsepto ng subjects ay tumutukoy kung saan ang isang tao ay mga angking dominance o mas dominante sa isa o iba pang tao; tila ba may higit siyang kapangyarihan kaya napapasunod niya ‘yung iba. Samantala, ang objects ay tumutukoy sa mga taong nagiging submissive o sunud-sunuran sa objects o sa mga dominante; para bang walang taglay na kapangyarihan ang objects. Nais kong banggitin dito ang nabasa ko sa isang libro. May bahagi kasi doon sa librong iyon na nagpakita na ‘yung lalaki ay nagbigay ng kontrata sa isang babae, bale nakasulat doon ‘yung mga ayaw at gusto ng lalaki pagkatapos may mga terminong dominant at submissive. Siyempre ‘yung lalaki ‘yung dominant tapos naman ‘yung babae yung submissive. Nabasa ito nu’ng babae tapos may mga ilang bagay roon na ayaw niya pero gusto noong lalaki, kaya nakapag-usap ‘yung babae doon sa lalaki; sa bandang huli, nagkaroon naman kahit papaano ng compromise o kompromiso pero kasi hindi lahat ng hinaing ng babae ay napakinggan. ‘Yung kwentong nabanggit ko ay isang tradisyunal na halimbawa kasi sa lipunan madalas lalaki talaga ang may kapangyarihan tapos babae ‘yung sunud-sunuran pero naman sa paglipas ng panahon, nagbabago naman, mas napapakita na sa ngayon na kahit papaano ay pantay-pantay ang mga lalaki at babae.

Pagkatapos, napag-usapan din namin sa klase ang ukol sa mga salik na nagbibigay kahulugan sa pagkakakilanlan at ito ang mga sumusunod: class, race, gender, sanity, physical aesthetics at  health. Napaisip talaga ako doon sa sinabi na aming propesor na kung mahirap ka na tapos galing ka pa sa isang ethnic minority, tapos bading o tomboy ka pa, tapos di pa normal ang pag-iisip mo, pangit ka pa, ay magpakamatay ka na. Pumasok sa isip ko na oo nga ‘no. May mga tao kayang gano’n? Siguro ang hirap ng kalagayan nila. Pero kasi hindi naman nila ginusto ‘yun e, ‘yung lipunan din naman ang nagdikta no’n ‘di ba? Kung maiiwasan lang o matitigil lang e, pero parang malabo. Mahalaga talaga ang respeto at pagtanggap.

Sa panghuli, pinag-usapan namin ang anyo ng domination at marginalization. Ang objectification ay tumutukoy sa kung saan ang subjects ay nagiging objects ng ibang subjects. Ag exploitation ay kung saan ang subjects ay ginagamit ng iba pang subjects para sa pansariling interest. Ang subordination ay kung saan ang subjects ay napapangibabawan at nagiging subordinates na lamang ng ibang subjects. At ang oppression/persecution kung saan ang subordinated subjects ay sinasaktan nang pisikal, emosyonal, berbal, atbp., ng ibang subjects. Ang isang indibidwal ay maaaring makaranas ng mga nabanggit sa itaas, pwedeng siya ‘yung nakaranas mismo o siya ‘yung nagparanas sa iba.

Sa bahaging ito, sasagutin ko ang katanungan ukol sa kung naranasan ko na nga ba ang mga nabanggit sa itaas at kung nagawa ko na ba ito sa iba.

Objectification


Sa katunayan may iba pa akong opinyon para dito. Naniniwala ako na maliban sa pagiging objectified, ito rin ay tumutukoy sa bawat aksyon ng pagbabago na ginagawa mo sa sarili mo. Halimbawa, ang pagtangkilik ng iba’t-ibang produkto na nagsasaayos ng pisikal na anyo ng isang tao, kung paano ipalita ng media ang mga kababaihan; tingin ko objectification  ito dahil ipinapakita nito na dapat ay maging kaaya-aya ang anyo mo sapagkat lalo na kung babae ka, ikaw ay dapat maganda para mapansin ng lalaki bale lumalabas na nagiging ornamento o kasangkapan ka ng isang lalaki; na tila ba kaya lang may halaga ang isang babae ay dahil sa atraksiyon at hindi dahil sa katangian at talento ng isang babae. Masasabi kong hindi ko pa nararanasan na ma-objectify. Oo, minsan tumatangkilik ako ng ibang produkto na makakatulong ng pagsasaayos ng aking sarili pero para sa akin naman iyo, para sa ikakabuti ko rin, hindi para sa iba.

Sa palagay ko naman, hindi ko pa nagawang mag-objectify sa iba eh. Wala naman akong dahilan para itrato ang ibang tao bilang mga bagay eh. Tao nga tayo eh tapos gagawin kitang bagay; hindi naman ako Diyos para gawin iyon no. Pero may mga kilala akong mga taong naoo-objectify. Ay nako, mayroon akong kaibigan na walang pakundagan sa pagbili ng kung ano-ano, pampaganda raw para marami siyang maakit pagkatapos daw collect and select. Una nao-objectify siya kasi iniisip niya na ang pagiging maganda lamang ng isang babae ang gamit nito at dapat makakuha siya ng lalaki at ikalawa naman, nang-o-objectify rin siya kasi sinabi niya na kapag mas maraming lalaking pipila sa kanya, pipili na lang siya, kung tipo niya ‘yun yung pipiliin niya,at kung ayaw niya naman, eh di paalam na lang. Naniniwala kasi akong kung tao, itrato mo bilang tao; kung bagay, itrato mo bilang bagay.

Exploitation

Sa madaling salita ito ‘yung kung saan ginagamit ka ng isang tao para sa ikauunlad niya. Naranasan ko nang minsan ito; isa rin kaya ito sa dahilan kung bakit naging mailap ako sa iba. Ako kasi namulat ako na ang pag-aaral ay isang mahalagang bagay kaya dapat sineseryoso ito at maling hindi ka nag-aaral nang mabuti. Bata pa kasi ako nu’ng nangyari ito; nasa elementarya pa ‘ata ako. Siyempre sa paaralan, bata ka, dapat palakaibigan ka, may mga mababait tapos may mga nang-aaway naman sa’yo. Dahil bata pa ako nu’n, inosente ako at hindi ko naman binibigyan ng malisya ‘yung mga bagay-bagay. Naranasan ko na magkaroon ng mga kaibigan na mababait lang sa akin dahil may kailangan. Naranasan ko na rin na sumali sa isang grupo tapos ako lang din gagawa lahat tapos nu’n maririnig ko na “kaya lang naman namin sinama ‘yan sa grupo namin kasi matalino at masipag ‘yan eh”. Masakit kaya ‘yung ganoon. ‘Yung akala mo kaya sila mabait, kaya mo sila kaibigan ay dahil busilak ‘yung kalooban nila, ‘yun pala hindi. Noong nag-hayskul na ako saka ko nagpagtanto na nagpagamit pala ako sa ibang tao; kaya dapat sa pagkakataong ito hindi na iyon mangyari; kung kaya’t naging mailap ako sa tao, kaya nahihirapan ako magtiwala at kaya rin onti lang ‘yung mga kinakaibigan ko. Siyempre, sino ba naman ‘yung gustong magamit di ba? Ngayon, tatawa ka na lang kapag naranasan mo ‘yun. Mapapa-“haha” ka na lang at masasabing “bata pa talaga ako nu’n inosente masyado”.

Kahit naman naranasan kong magamit ng iba, hindi naman ako nanggagamit ng iba ‘no! Wala akong maisip na pagkakataon na nanggamit ako ng tao. Totoo nga ‘yung kasabihan na may dalawang uri ng tao-isang manggagamit at isang nagpapagamit. Sadyang may mga taong ewan ko ba kung bakit nanggamit eh, hirap siguro silang abutin ‘yung nais nila o di kaya naman wala silang taglay na abilidad no? Haha. Okay naman humingi ng tulong eh, pero ‘yung manggagamit ka nako! Marahil kung nakakamatay lang ang pagiging manggagamit, marami nang nakabaon sa lupa. ‘Yung mga nagpapagamit naman may pagpipilian naman sila eh depende na lang talaga sa sitwasyon; kung bata ka, siguro katanggap-tanggap pa ‘yun; pero kung matanda ka naman na mas malawak nga ang pagpipiliin mo eh, mas pwede ka nang tumanggi at lumaban ‘di ba?Ang bagay lang dapat ang ginagamit, hindi ang tao.

Subordination

Naging subordinate na ako. Tingin ko naman, lahat ng tao nagiging subordinates eh pero hindi pangmatagalan. Limitado lang at dahil sa isang layunin kung bakit ka naging subordinate ‘di ba? Kunwari ako, tingin ko subordinate ako ng magulang ko, lola, lolo at iba pang kamag-anak; tapos ng mga guro ko o ‘di kaya nang mga taong mas nakakatanda sa akin. Sa palagay ko, bahagi ng buhay ng isang tao at normal na maging subordinate.

Naranasan ko na ring maging subordinator o ‘yung mas angat sa subordinate. Sa mga grupo gano’n, tapos ikaw ‘yung itatalagang lider o pinuno; o di kaya sa pagiging ate at panganay sa aming magpipinsan, na ako ‘yung titingin at magbabantay kapag walang ibang mas nakakatanda; sa mga nakakasalamuha ko at nakakasama ko. Aaminin ko ako kasi ‘yung tao na hirap sumunod sa iba, gusto ko ako talaga ang masusunod ‘yung para bang “ako ang batas” haha, ‘yung ganoon pero naman sinisiguro ko naman na para sa ikabubuti ng lahat ‘no, at hindi para maipariwara ‘yung iba. At siyempre bago ako maglider-lideran sinisuguro ko na ayos lang sa iba. Ang kapal naman ng mukha ko kung magprepresinta ako tapos ayaw nila ‘di ba? Naalala ko tuloy ‘yung kasabihan ukol doon sa paglilider-lideran tapos wala pa lang alam, mapapahiya ka lang.

Oppression/ Persecution

Hindi ko pa naranasan na masaktan nang pisikal. Pero kung berbal o emosyonal, hindi ko lang alam kung mailalagay ko ba ‘yun dito bilang oppression. Oo napapagalitan ako, nasesermonan ng mga mas nakakatanda sa akin lalo na kapag pumapalpak ako. Naranasan ko na rin na mapagsabihan ng mga masasamang bagay ng ibang tao. ‘Yung masakit doon kasi, hindi naman nila ako gaanong kakilala tapos nasasabi nila ‘yung mga bagay na ganon? Ang galing naman nila! Alam nila ‘yung pangalan ko, pero ‘di nila alam ‘yung kwento ng buhay at pagkatao ko.
 
Para naman sa tanong kung nagawa ko na ba ang oppression o persecution sa iba, tingin ko hindi pa naman. Oo nasasaktan ko ‘yung kapatid ko o ‘di kaya mga batang pinsan ko kasi naghaharutan kami, laro naman iyon eh. Pero ‘yung masaktan sila dahil sa galit o kung ano pa man, hindi at wala akong balak gawin. Usapang berbal o emosyonal na pananakit, sinasabi ng ibang tao na direcho daw ako magsalita kumbaga frank and honest. Oo inaamin ko naman ‘yun pero bago ako magbitaw sinisiguro ko naman na may basehan ‘yung sinasabi ko at pawang katotohanan lang. Bukas naman ako sa pagbibigay ng paumanhin eh kung nakasakit talaga ako.



Napahaba ko na nang sobra ‘tong entry na ito; kapag kasi personal ang usapan nagiging madaldal ako haha; isa pa marami rin akong naisip ukol sa konsepto eh, kaya ayan tuloy. Ngayon na alam ko na at alam mo na na may mga anyo ng domination and marginalization; dapat mas alam na rin natin ang kapangyarihang taglay natin. Nais kong tapusin ang entry na ito sa mga katagang naisip ko:

May kapangyarihan tayo; alamin ang gamit ngunit gamitin sa wasto. Sa buhay, mararanasan natin na nasa ibabaw o nasa ibaba naman minsa; humihina’t lumalakas tayo. Marahil sapat nang sumabay sa agos at pagbabago ng buhay. Dapat mas maging malakas pa tayo. Dapat alam natin kung paano buuin muli ang sarili natin. Dapat alam natin bumagon. Hindi dapat magpaapi sa kung sinuman; hindi ka rin dapat maging depende sa iba. Matutuo kang maging mag-isa upang lumakas ka pa at mapabuti ang sarili mo.

Mga Sanggunian:
Contreras, A. (2012). CULPOLI: Lecture Note.[PowerPoint Slides]
(2004). Retrieved January 22, 2013, from http://fc03.deviantart.net/images3/i/2004/079/f/f/Exploitation.jpg
(2005). Retrieved January 22, 2013, from http://fc09.deviantart.net/fs36/i/2009/076/8/6/ns2_subordination_by_fallendead.jpg
(2006). Retrieved January 22, 2013, from http://fc02.deviantart.net/fs10/i/2006/129/7/8/Objectification__by_godsuckscocks.jpg
(2008). Retrieved January 22, 2013, from http://fc05.deviantart.net/fs28/i/2008/160/9/d/Oppression_by_Zoyeah.jpg
(2008). Retrieved January 22, 2013, from http://fc02.deviantart.net/fs38/f/2008/358/8/c/0_by_Norah_Q.jpg
(2009). Retrieved January 22, 2013, from http://baisenique.deviantart.com/art/Duality-141903207
(2010). Retrieved January 22, 2013, from http://fc03.deviantart.net/fs71/i/2010/093/2/1/Exploitation_by_Sariels_Hope.jpg
(2011). Retrieved January 22, 2013, from http://fc09.deviantart.net/fs71/i/2011/355/2/0/be_strong_by_itaq-d45v4iw.jpg
(2012). Retrieved January 22, 2013, from http://fc01.deviantart.net/fs70/i/2012/308/f/3/self_repair_by_8_s_o_u_l_8-d5jzt8f.jpg
(2012). Retrieved January 22, 2013, from http://th07.deviantart.net/fs70/PRE/i/2012/266/f/3/bulag_pipi_bingi_by_rawwrrmokopatrick-d5fluug.jpg
(n.d.). Retrieved January 22, 2013, from http://th02.deviantart.net/fs71/PRE/f/2012/067/7/3/__surgery_surgeon___by_suzzan_blac-d4s4mk7.jpg
(n.d.). Retrieved January 22, 2013, from http://us.123rf.com/400wm/400/400/tovovan/tovovan1204/tovovan120400084/13293053-subordination-abstract-color-scheme.jpg


Gaano ako ma-kapangyarihan? Makapangyarihan ba talaga ako?

on Biyernes, Enero 18, 2013
May mga pagkakataon na ang personal o ang sarili mo mismo ay nagiging mapulitika. Ang “the personal is political” ay isang mantra ng peministang kulisan; at si Carol Hanisch ang napagsikat ng mantrang ito. Kapag sinabing “the personal is political”, marahil agad nating maiisip na ang mga personal na kagustuhan natin ay iyon din ang mga pampulitikal na kagustuhan din natin. Sa tingin ko hindi ganoon iyon. Ang ibig sabihin marahil ng mantrang iyon, dahil nga sa peministang perspektibo, ay nangangahulugang na ang mga personal na problema ng isang tao ay maaaring maiugnay sa mga pampulitikong problema rin. Ang ibig kong sabihin dito ay marami  sa mga problemang hinaharap ng mga kababaihan ay hindi dahil sa kasalanan nila o ginusto nila; ito ay resulta ng sistematikong pang-aapi o systematic oppression. Bilang karagdan, sa aking palagay ang pagiging personal ng pulitika ay mahalaga sa bawat tao; sapagkat kapag tinuturing mong pulitikal ang mga karanasan mong personal ay magkakaroon ka ng kamalayan sa bagay bagay lalo na sa mga karapatan mo. Mas matutulungan mo ang sarili mo na palalimin pa ang impluwensiya ng pulitika sa anumang aspeto ng buhay mo. 

 Kahapon sa klase, tinalakay namin ang ukol sa mga pananaw sa pulitika. Nagkaroon kami ng isang gawain kung saan namin nalaman kung isa ba kaming liberal o conservative. Sa gawaing iyon, napagtanto kong isa akong liberal dahil sa labing-isang katanungan, siyam doon ang sinagot ko ng oo; pero sabi ng aming propesor, hindi naman daw talagang liberal ako marahil almost liberal almost liberal ang mas angkop na gamitin. Nalaman ko rin na kapag madalas na sagot mo ay oo isa kang liberal; kapag madalas na sagot mo naman ay hindi ay isa kang konserbatibo. Isang kaibahan sa pagitan ng konserbatibo at liberal ay kapag konserbatibo ay mas nagbibigagy pansin sa batas, kaayusan at proteksiyon ng property rights rapos ang pagtataguyod ng  kasaganaan, economic rights at equal opportunity; kapag liberal naman ang tampulan ay ang social, political at economic equality. 

Nais ko sanang sagutin sa blog entry  na ito ‘yung mga katanungan sa klase noon. 


 Una, oo simula noong tumuntong ako ng kolehiyo ay mas naging conscious na ako sa political ideology ko. Bakit? Kasi siyempre dapat naiisip ko na sa bawat desisyon na gagawin ko na may kinalaman sa pulitika ay naipapakita kung ano sa ideolohiya ko. Iniisip ko na dapat naalinsunod ang pag-iisip mo sa ideolohiya na pinaniniwalaan ko. Hindi kasi maganda ‘yung mag-iisip ka ng taliwas sa pananaw mo ‘di ba? Kung ganoon din kasi sana wala ka na lang sinabing ideolohiya mo. Nagiging balimbing ka kasi kapag ganoon. Tingin ko, kung panminsan lang naman ayos lang iyon pero kung madalas, hindi na. Naalala ko rito sa ideolohiyang ito na sa Pilipinas daw hindi uso iyan, kaya raw walang nararating ‘yung bansa natin. Sa palagay ko naman kung tunay ngang walang ideolohiya dito sa Pilipinas ay ang pagkakaroon ng walang ideolohiya ay ang mismong ideolohiya. 

 Ikalawa, doon sa mga marginalized groups (gays, lesbians, poor, homeless, abused children, abused women, ethnic minorities), sa lahat ng iyon ay may simpatiya o pakikiramay ako. Unang una, tao rin naman sila, nagkataon lang na hindi sila gaanong napapansin o di kaya inaapi sila; hindi naman nila kasalanan iyon eh, ang mismong lipunan ang dahilan kung bakit nagkaroon ng mga marginalized groups. Sa palagay ko marami pang marginalized groups na hindi lamang napapansin tulad ng mga abused men, elders left by their families, disabled persons, at marami pang iba.




Doon sa tanong na ikatlo at ikaapat tungkol sa kapangyarihan parehong oo ang sagot ko; oo may kamalayan ako sa mga taong may kapangyarihan sa akin at sa mga taong may kapangyarihan ako. Siyempre may mga taong may kapangyarihan sa akin o sa ibabaw ko na tinatanggap ko at ‘yung iba naman tinututulan ko. Ako kasi ‘yung tipo ng tao na hindi basta basta nagpapakontrol sa iba. Kasi sarili ko ‘to saka malaki na rin kaya ako; siguro kung ‘yung taong may mas kapangyarihan sa akin ay iniisip ang kapakanan ko, susunod ako pero kung ilalagay ako sa alanganin, lalaban ako siyempre. Sa mga taong may kapangyarihan ako, siguro may mga pagkakataon na alam nilang nagagamitan ko sila ng kapangyarihan ko, mayroon din namang hindi nila namamalayan. Nasa kagustuhan naman nila siguro iyon kung susundin o lalaban sila sa akin.









Ang guhit na iyong nakikita sa bandang itaas ay ang sarili kong web of relationships. Bale ang ginawa ko ay inilista ko ang mga taong nakakasama ko pagkatapos noon ay tinignan ko kung sila ba ay may kapangyarihan sa akin (power over me) o ako ang may kapangyarihan sa kanila (power over others). Pagkatapos noon ay sinuri ko naman kung tinatanggap o nilalabanan o ‘di kaya’y niyutral ko ba ang kapangyarihan ng mga taong may kapangyarihan sa akin; tapos sinuri ko rin kung tinatanggap, nilalabanan o niyutral ba ‘yung mga taong may kapangyarihan ako sa kanila.


Nang matapos kong likhain ito, napansin ko na ang mga taong may kapangyarihan sa akin ay ang mga nakakatanda sa akin; ‘yung iba sa kanila tinatanggap ko ‘yung kapangyarihan tulad nila Mama, Papa, Lolo B, Lola F, at iba pa; ‘yung iba naman ay niyutral, ibig sabihin depende sa sitwasyon ang pagtanggap o pagtanggi ko sa kapangyarihan nila sa akin; at mayroong dalawang nilalabanan ko, at isang personal na dahilan kung bakit. Susunod, ‘yung mga taong may kapangyarihan naman ako, halos lahat sila ay niyutral, ibig sabihin may mga pagkakataon na tatanggihan o ‘di kaya’y tatanggapin nila ‘yung kapangyarihan ko sa kanila, tapos ‘yung iba naman tinatanggap lang ‘yung kapangyarihan. Ang napansin ko dito sa bahaging ito ay ‘yung mga taong may kapangyarihan ako sa kanila ay kadalasan ‘yung mas bata sa akin o di kaya naman sa kalagayan ng kasambahay at trabahador ay sa antas ng lipunan marahil. Panghuli, may mga taong may kapangyarihan ako at sila rin may kapangyarihan sa akin; tapos ay niyutral lang; sa kasong ito, kapansin-pansin ang mutuality o reciprocity, kumbaga pareho kaming may kapangyarihan sa isa’t isa at alam namin iyon, tatanggapin o tatanggihan namin ito depende sa pangyayari o sitwasyon; sa ganitong kaso kadalasan halos kaedad ko lamang ‘yung mga tao o ‘di kaya naman kakilala ko lamang dahil sa isang layunin.



Bilang pagtatapos, nais kong ulitin ang sinulat ko sa blog entry ko noong nakaraan na lahat ng tao ay may kapangyarihan; pantay pantay lahat ng tao. Kaso nga lang dumadating sa punto na may nagkakaroon ng mas higit kaysa sa iba. Ang kapangyarihan ay isang mahalagang parte ng ating pagkatao. Nagagamit ang kapangyarihan o power, sa paglago ng ating mga sarili o personal empowerment.



Dapat alam natin ang kapangyarihang taglay natin; na hindi tayong dapat maging puppet lamang; na tayo ay isang-daang porsyentong may pananagutan sa ‘ting mga pinipili at kagustuhan; na tayo ay isang-daang porsyentong bahala para sa sarili nating kaligayan at kalagayan ng loob na magbibigay ng kamalayan sa ating mga sarili at pakawalan ang iba. At lahat ng tao ay gagawa ng sarili nilang kaligayahan sa kahit ano pa mang sitwasyon. Nangangailangan ito ng oras at pagsisikap, pero kaya lahat ng tao ito dahil may kanya-kanya tayong kapangyarihan para sa sa’ting sari-sariling buhay.





Mga Sanggunian

Contreras, A. (2012). CULPOLI: Lecture Note.[PowerPoint Slides].

(2010). [Image of photograph]. Retrieved January 18, 2013, from http://iskconuk.com/wp-content/uploads/SS-2010-03-21_13.00.46.jpg

(n.d.). [Image of photograph]. Retrieved January 18, 2013, from http://i.telegraph.co.uk/multimedia/archive/02197/neurosummary_2197713b.jpg

(n.d.). [Image of photograph]. Retrieved January 18, 2013, from http://www.relationshipeconomics.net/blog/wp-content/uploads/2011/02/Relationship-Web.jpg