May mga pagkakataon na ang personal o ang sarili mo
mismo ay nagiging mapulitika. Ang “the personal is political” ay isang mantra ng peministang kulisan; at si
Carol Hanisch ang napagsikat ng mantrang
ito. Kapag sinabing “the personal is political”, marahil
agad nating maiisip na ang mga personal na kagustuhan natin ay iyon din ang mga
pampulitikal na kagustuhan din natin. Sa tingin ko hindi ganoon iyon. Ang ibig
sabihin marahil ng mantrang iyon,
dahil nga sa peministang perspektibo, ay nangangahulugang na ang mga personal
na problema ng isang tao ay maaaring maiugnay sa mga pampulitikong problema
rin. Ang ibig kong sabihin dito ay marami sa mga problemang hinaharap ng mga kababaihan
ay hindi dahil sa kasalanan nila o ginusto nila; ito ay resulta ng sistematikong
pang-aapi o systematic oppression. Bilang
karagdan, sa aking palagay ang pagiging personal ng pulitika ay mahalaga sa
bawat tao; sapagkat kapag tinuturing mong pulitikal ang mga karanasan mong
personal ay magkakaroon ka ng kamalayan sa bagay bagay lalo na sa mga karapatan
mo. Mas matutulungan mo ang sarili mo na palalimin pa ang impluwensiya ng
pulitika sa anumang aspeto ng buhay mo.
Kahapon sa klase, tinalakay namin ang ukol sa mga
pananaw sa pulitika. Nagkaroon kami ng isang gawain kung saan namin nalaman
kung isa ba kaming liberal o conservative. Sa gawaing iyon,
napagtanto kong isa akong liberal
dahil sa labing-isang katanungan, siyam doon ang sinagot ko ng oo; pero
sabi ng aming propesor, hindi naman daw talagang liberal ako marahil almost
liberal almost liberal ang mas angkop na gamitin. Nalaman ko rin na kapag
madalas na sagot mo ay oo isa kang liberal; kapag madalas na sagot mo naman ay
hindi ay isa kang konserbatibo. Isang kaibahan sa pagitan ng konserbatibo at
liberal ay kapag konserbatibo ay mas nagbibigagy pansin sa batas, kaayusan at
proteksiyon ng property rights rapos
ang pagtataguyod ng kasaganaan, economic rights at equal opportunity; kapag liberal naman ang tampulan ay ang social, political at economic
equality.
Nais
ko sanang sagutin sa blog entry na ito ‘yung mga katanungan sa klase noon.
Una, oo simula noong tumuntong ako ng kolehiyo ay mas naging conscious na ako sa political ideology ko. Bakit? Kasi siyempre dapat naiisip ko na sa
bawat desisyon na gagawin ko na may kinalaman sa pulitika ay naipapakita kung
ano sa ideolohiya ko. Iniisip ko na dapat naalinsunod ang pag-iisip mo sa
ideolohiya na pinaniniwalaan ko. Hindi kasi maganda ‘yung mag-iisip ka ng
taliwas sa pananaw mo ‘di ba? Kung ganoon din kasi sana wala ka na lang sinabing
ideolohiya mo. Nagiging balimbing ka kasi kapag ganoon. Tingin ko, kung
panminsan lang naman ayos lang iyon pero kung madalas, hindi na. Naalala ko
rito sa ideolohiyang ito na sa Pilipinas daw hindi uso iyan, kaya raw walang
nararating ‘yung bansa natin. Sa palagay ko naman kung tunay ngang walang
ideolohiya dito sa Pilipinas ay ang pagkakaroon ng walang ideolohiya ay ang
mismong ideolohiya.

Ikalawa, doon sa mga marginalized groups (gays, lesbians, poor, homeless, abused
children, abused women, ethnic minorities), sa lahat ng iyon ay may simpatiya o
pakikiramay ako. Unang una, tao rin naman sila, nagkataon lang na hindi sila
gaanong napapansin o di kaya inaapi sila; hindi naman nila kasalanan iyon eh,
ang mismong lipunan ang dahilan kung bakit nagkaroon ng mga marginalized groups. Sa palagay ko marami
pang marginalized groups na hindi
lamang napapansin tulad ng mga abused men,
elders left by their families, disabled
persons, at marami pang iba.
Doon
sa tanong na ikatlo at ikaapat tungkol sa kapangyarihan parehong oo ang sagot
ko; oo may kamalayan ako sa mga taong may kapangyarihan sa akin at sa mga taong
may kapangyarihan ako. Siyempre may mga taong may kapangyarihan sa akin o sa
ibabaw ko na tinatanggap ko at ‘yung iba naman tinututulan ko. Ako kasi ‘yung
tipo ng tao na hindi basta basta nagpapakontrol sa iba. Kasi sarili ko ‘to saka
malaki na rin kaya ako; siguro kung ‘yung taong may mas kapangyarihan sa akin
ay iniisip ang kapakanan ko, susunod ako pero kung ilalagay ako sa alanganin,
lalaban ako siyempre. Sa mga taong may kapangyarihan ako, siguro may mga
pagkakataon na alam nilang nagagamitan ko sila ng kapangyarihan ko, mayroon din
namang hindi nila namamalayan. Nasa kagustuhan naman nila siguro iyon kung
susundin o lalaban sila sa akin.

Ang guhit na iyong nakikita sa bandang itaas ay ang
sarili kong web of relationships. Bale
ang ginawa ko ay inilista ko ang mga taong nakakasama ko pagkatapos noon ay
tinignan ko kung sila ba ay may kapangyarihan sa akin (power over me) o ako ang may kapangyarihan sa kanila (power over others). Pagkatapos noon ay
sinuri ko naman kung tinatanggap o nilalabanan o ‘di kaya’y niyutral ko ba ang
kapangyarihan ng mga taong may kapangyarihan sa akin; tapos sinuri ko rin kung
tinatanggap, nilalabanan o niyutral ba ‘yung mga taong may kapangyarihan ako sa
kanila.
Nang matapos kong likhain ito, napansin ko na ang mga
taong may kapangyarihan sa akin ay ang mga nakakatanda sa akin; ‘yung iba sa
kanila tinatanggap ko ‘yung kapangyarihan tulad nila Mama, Papa, Lolo B, Lola
F, at iba pa; ‘yung iba naman ay niyutral, ibig sabihin depende sa sitwasyon
ang pagtanggap o pagtanggi ko sa kapangyarihan nila sa akin; at mayroong
dalawang nilalabanan ko, at isang personal na dahilan kung bakit. Susunod, ‘yung
mga taong may kapangyarihan naman ako, halos lahat sila ay niyutral, ibig
sabihin may mga pagkakataon na tatanggihan o ‘di kaya’y tatanggapin nila ‘yung
kapangyarihan ko sa kanila, tapos ‘yung iba naman tinatanggap lang ‘yung
kapangyarihan. Ang napansin ko dito sa bahaging ito ay ‘yung mga taong may
kapangyarihan ako sa kanila ay kadalasan ‘yung mas bata sa akin o di kaya naman
sa kalagayan ng kasambahay at trabahador ay sa antas ng lipunan marahil.
Panghuli, may mga taong may kapangyarihan ako at sila rin may kapangyarihan sa
akin; tapos ay niyutral lang; sa kasong ito, kapansin-pansin ang mutuality o reciprocity, kumbaga pareho kaming may kapangyarihan sa isa’t isa
at alam namin iyon, tatanggapin o tatanggihan namin ito depende sa pangyayari o
sitwasyon; sa ganitong kaso kadalasan halos kaedad ko lamang ‘yung mga tao o ‘di
kaya naman kakilala ko lamang dahil sa isang layunin.
Bilang pagtatapos, nais kong ulitin ang sinulat ko sa
blog entry ko noong nakaraan na lahat
ng tao ay may kapangyarihan; pantay pantay lahat ng tao. Kaso nga lang
dumadating sa punto na may nagkakaroon ng mas higit kaysa sa iba. Ang
kapangyarihan ay isang mahalagang parte ng ating pagkatao. Nagagamit ang
kapangyarihan o power, sa paglago ng
ating mga sarili o personal empowerment.
Dapat alam natin ang kapangyarihang taglay natin; na
hindi tayong dapat maging puppet
lamang; na tayo ay isang-daang porsyentong may pananagutan sa ‘ting mga
pinipili at kagustuhan; na tayo ay isang-daang porsyentong bahala para sa
sarili nating kaligayan at kalagayan ng loob na magbibigay ng kamalayan sa
ating mga sarili at pakawalan ang iba. At lahat ng tao ay gagawa ng sarili
nilang kaligayahan sa kahit ano pa mang sitwasyon. Nangangailangan ito ng oras
at pagsisikap, pero kaya lahat ng tao ito dahil may kanya-kanya tayong
kapangyarihan para sa sa’ting sari-sariling buhay.
Mga Sanggunian
Contreras,
A. (2012). CULPOLI: Lecture Note.[PowerPoint Slides].
(2010).
[Image of photograph]. Retrieved January 18, 2013, from http://iskconuk.com/wp-content/uploads/SS-2010-03-21_13.00.46.jpg
(n.d.). [Image of photograph].
Retrieved January 18, 2013, from http://i.telegraph.co.uk/multimedia/archive/02197/neurosummary_2197713b.jpg
(n.d.). [Image of photograph].
Retrieved January 18, 2013, from http://www.relationshipeconomics.net/blog/wp-content/uploads/2011/02/Relationship-Web.jpg
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento