Salamin, salamin, sino o ano nga ba ako sa’yong paningin?

on Martes, Enero 29, 2013

Sino ba ako para sa iba? Ano nga ba ako para sa kanila? 



Ito marahil ‘yung isa sa mga pinakamadalas na itanong natin sa mga taong malalapit sa atin o kahit sa mga estrangherong nakita pa lang natin. Tinatanong natin ito kasi gusto natin malaman kung ano nga ba ang perspektibo ng ibang tao tungkol sa atin. Dito sa blog na ito, ilalathala ko ‘yung diskurso ng ibang tao na nalaman ko tungkol sa akin.


Teka, bago ang lahat, bakit ko nga ba sinulat itong blog entry na ito? Sa klase kasi kanina, tinalakay namin ang ukol sa diskurso. Ang diskurso o discourse ay ang katangiang paraan kung saan ang isang panlipunang kahulugan ay nakakabit sa isang pangyayari, bagay o pagkilos. Ito ay napapakitang tunay sa paraan kung paano napag-uusapan ang mga bagay-bagay. Natatagpuan ito sa paggamit ng mga salita sa pamamagitan ng wika. Ngunit, maaari rin itong matatagpuan sa kawalan ng mga pananalita o pagkakaroon ng katahimikan; ang katahimikan mismo ang diskurso. Ang diskurso ay produkto rin ng konstekto ng power relations sapagkat sa konstekto ng power relations nanggagaling ang mga social meanings o panlipunang kahulugan kasabay nito ay ang pagbuo ng mga ideolohiya. Ang isang diskurso ay nagiging ideolohiya kapag ang diskurso ay ginagamit na upang mangatwiran ukol sa isang panlipunan o pulitikal na pagsasaayos o sitwasyon. Kanina sa klase napagtanto ko na ang ideolohiya ay hindi na ‘yung mga maringal at dakilang ideolohiya na nakasulat lamang sa mga aklat, subalit ang ideolohiya sa panahon ngayon ay naka-embed na sa mga popular na kultura at ordinaryong pamumuhay. Matatagpuan ang ideolohiyang ito sa mga palabas o pelikula na pinapanood ng mga tao; sa mga website na pinupuntahan; sa mga larong nilalaro; sa mga produktong tinatangkilik; sa pamumuhay na pinipili ng bawat isa; sa mga aklat o magasin na binabasa; sa musikang pinapakinggan at sa iba’t ibang anyo ng leisure na ating kinatutuwaan.

Base sa talakayan sa diskurso, nabanggit na sa amin ‘yung pagsasanay nga na alamin namin ‘yung diskurso ng ibang tao sa amin. Ang imahe o personalidad ng isang tao ay napakahalaga sa kahit anong bahagi mo pa tignan. Kasi ‘yung imaheng pinapakita mo sa iba ‘yung nagiging batayan ng mga tao upang makilala ka, upang makilatis ka nila. May ibang taong pinapakita ‘yung totoo nilang imahe; may iba namang mapagpanggap. Kahit magpakatotoo ka pa o magkunwari, huhusgahan at huhusgahan ka naman nila eh. Pero, sa akin nga ba ano ang diskurso nila? Madalas ang unang sapantaha o impresyon ng mga tao sa akin ay suplada, masungit, maldita, tahimik, hindi palakibo, may sariling mundo, mahirap pakisamahan, marunong, at seryoso sa buhay. Hm, sa katunayan totoo lahat ng iyon. Sa katunayan, ang pinakamadalas na natatanggap kong unang impresyon ay suplada o masungit daw ako. Haha, nakakatawa kasi e, may tinanong ako kung ‘paano ako naging masungit’, ang sagot sa akin ay ‘hindi raw kasi ako palangiti’; pero kasi gan’on talaga ako eh. Ano ‘yun ngi-ngitian ko lahat ng makikita ko? Baka magmukha akong praning nu’n saka ‘di ako pulitiko para gawin ang pag-ngiti sa bawat makakasalubong ko. Ha! Maldita, suplada, masungit... oo lalo na kapag ayaw ko talaga d’on sa taong ‘yun. Hindi ko naman ikinakaila ‘yun e. Ang totoo pa riyan ay self-proclaimed na maldita ako. ‘Yung sa tahimik, sabi ng mga kaibigan ko ‘akala ko tahimik ka dati hindi pala’ siyempre sa umpisa tahimik kasi nakakahiya namang magulo agad ako ‘di ba? Tahimik ako kapag hindi ko gaanong ka-close ‘yung mga kasama ko pero kapag sobrang malapit ako d’on sa mga kasama ko, nako asahan mong makulit, weirdo at magulo ako. ‘Yung sa may sariling mundo, sinabi sa akin yan ng tatay ko, eh kasi raw ‘kapag nasa bahay ka, nakakulong ka lang lagi sa kwarto, aral nang aral parang nasa ibang dimensyon ka’ haha, nakakatawa nga eh, siguro nga may sarili akong mundo tapos ako lang ‘yung taong nabubuhay d’on ayon kaya ‘yun! Sunod, sa hindi palakibo, totoo rin naman ‘yun, bakit ko kikibuin eh ‘di naman kita kilala, malay ko ba kung may gawin ka sa’kin siyempre kaligtasan ko muna! Kikibo naman ako eh kapag alam kong harmless ‘yung taong kasama o kaharap ko. Sa mahirap pakisamahan, nako idagdag mo na ‘yan kasi nga masungit ako nye, hindi naman sa mahirap ako pakisamahan, kapag ayaw ko kasi do’n sa tao ayaw ko, hindi na ako mag-e-effort na pakisamahan pa siya; eh sa ayaw ko nga sa kanya eh; ‘di kasi ako plastik. Sa marunong at seryoso sa buhay, hm, marunong saan? Saang aspeto? Sa pagkain oo, ‘di biro lang; marahil para sa iba magaling o marunong ako; sabi nila eh; sa seryoso sa buhay, siyempre no, lahat naman ng tao seryoso sa buhay eh, pero uy ah di naman ako sobrang seryoso sa buhay ko, tumatawa rin kaya ako; haha, baka mabaliw na ako kapag sobrang seryoso ko ‘di ba? Gusto ko pa idagdag ‘yung diskurso ng mga taong ‘di ko gaano ka-close, sabi nila ang prangka ko raw magsalita kasi kung ano ‘yung nais kong sabihin sinasabi ko agad-agad, tapos masipag at maasahan. Totoo naman ‘yun eh.

Ay nako, lahat na yata ng diskuro ng ibang tao sa akin-maging malapit man o hindi sa akin ay pawang katotohanan. Sadyang pinapakita ko nga lang sa kanila kung sino o ano talaga ako. Alam mo ako kasi naniniwala na hindi ako pinanganak sa mundong ito para i­-please ‘yung ibang tao. Hindi naman sa magiging wala akong pakialam sa sasabihin nila; ayaw ko lang magkunwari; sige magugustuhan nga nila ako pero alam ko naman sa sarili ko na hindi ako ‘yun eh, ano pang silbi no’n, pati sarili ko niloloko ko rin kapag gano’n. Oo may pakialam ako sa diskurso ng ibang tao sa akin at talagang inaalam ko ‘yun kasi para din sa akin ‘yun eh, pero hindi ko hahayaang maapektuhan ako ng mga diskurso nila.

May patakaran ako sa buhay eh: may pakialam ako at wala akong pakialam. May pakialam ako kasi siyempre ako ‘yung pinag-uusapan eh, aalamin ko lang ‘yun tapos kung maganda ‘yung sinasabi nila eh ‘di mas pagbubutihan ko pa. Pero kapag hindi maganda o kanais-nais, eh ‘di tatanggapin ko pero kapag pinilit akong magbago ng mga taong nagsasabi ng diskursong ‘yun, nako mas mabuti pang wala na lang akong pakialam sa diskursong iyon.

Nasa sa’yo naman iyan kung itatanong mo ‘yan sa ibang tao eh. Tingin mo ba na dapat mo pang itanong ‘yan o hindi na? Pero kasi dapat handa ka sa makukuha mong kasagutan eh. Ikaw kung nais mong malaman kung ano ang pagtingin ng iba sa’yo eh ‘di itanong mo. Ikaw lang makakasagot niyan. Pero kung ako ang tatanungin, habang maaga pa nararapat pang alamin mo ‘yung iniisip nang ibang tao sa’yo okay na ‘yung may alam ka; alam mo ‘yung papanaw nila sa’yo. Hindi naman kailangan maapektuhan ka sa sagot na makukuha mo sa kanila eh; hindi mo rin naman kailangan magbago eh. Ang mahalaga lang ay may kamalayan ka. 

Mga Sanggunian:
Contreras, A. (2012). CULPOLI: Lecture Note.[PowerPoint Slides]
(2007). Retrieved January 29, 2013, from http://fc02.deviantart.net/fs13/f/2007/089/8/a/gossip_by_Darkhog.gif
(2011).I Look Good WIP [Online video]. Retrieved January 29, 2013, from http://vid00.deviantart.net/fs19/v/mp4/2011/110/e/0/i_look_good_wip_by_joker0720-d15654h.mp4
(2012). Retrieved January 24, 2013, from http://24.media.tumblr.com/tumblr_ljvm9oWB5e1qixleeo1_500.gif
(2013). Retrieved January 29, 2013, from http://fc07.deviantart.net/fs34/i/2008/310/3/5/Gossiping_Cups_by_eesss.jpg 

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento