Tatanggapin mo ba o lalaban ka?

on Huwebes, Enero 24, 2013


Ano?! Lalaban  ka? O sasaluhin mo lang lahat ng sakit?



Ipinanganak ang bawat tao sa mundong ito na may taglay na kapangyarihan at lakas. Likas na sa bawat indibidwal ang magkaroon ng kapangyarihan. Kaakibat nitong kapangyarihan ay ang pagkakaroon ng gusot o sagupaan; siyempre walang sinuman ang gustong magpatalo. Kapag natalo ka, mahina ka, at kapag nanalo ka, malakas ka tapos kikilalanin ka pa. Sa bawat pagpanalo ng isang tao sa sagupaan, sinasabing mas tumitindi ang kapangyarihang taglay niya at dahil pakiramdam niya ay mas malakas na siya kumpara dati ay magsisimula na siyang maging dominante at magma-marginalize na siya ng ibang tao. Dito na pumapasok yung iba’t ibang anyo ng domination at marginalization na natalakay ko na sa nakaraang blog entry ko.



Hindi maiiwasang dumating ang mga pagkakataon sa ating buhay na maranasan nating maapi o ma-marginalize ng ibang tao. Sa tuwing tayo ay nakakaranas ng mga ganitong sitwasyon, ano nga ba ang ginagawa natin? Paano nga ba natin hinaharap ‘yung mga nang-aapi at nang-mamata sa atin? Nararapat bang tanggapin ‘yung mga masasakit na bagay na ginagawa nila sa atin? Nararapat bang hayaan lang natin silang lumapastangan sa ating pagkatao? O lalaban tayo para ipakita sa kanila na hindi dapat nila ginagawa ‘yun? Mahirap isipin. Mahirap ding sagutin. Marahil madali mong masasabi ang “oo” o “hindi” sa mga nabanggit na mga katanungan subalit mahirap gawin at panindigan ‘yung “oo” at “hindi” na ‘yun. Gaano man katalino ang isang tao, sadyang mahihirapan din siyang isipin kung ano ba ang dapat gawin at sagutin sa mga nabanggit na katanungan.




Sa klase kanina, napag-usapan namin ‘yung iba’t-ibang uri ng resistance o paglaban o pagtutol. Una ay ang collective action na tumutukoy sa mga pag-aalsa at rebolusyon. Ikalawa ay ang passive disobedience na isang hindi marahas na paglabas; dito hindi ‘yung taong nag-re-resist ay hindi lang sumusunod doon sa oppressor. Gan’un lang siya ‘di siya susunod kahit pa anong utos ng oppressor sa kanya. Pero kasi dito, wala namang pagbabagong nagaganap kasi sa bawat ‘di pagsunod, iintayin mo lang mapagod ‘yung oppressor mo pagkatapos n’un kapag malakas na ulit, gan’un na naman ulit. Ikatlo, ang mga ordinaryong uri pa ng paglaban tulad ng paggamit ng mga lugar ng dominasyon tutol sa sarili nila; ang weapons of the weak na kinabibilangan ng chismis, pagdadahilan ng “hindi ko alam” kahit na alam mo, pagpapatay-malisya o dedma, pagsabotahe, pangungupit at pagiging sadyang tamad; pati ang parodya (parody) o nakakatawang imitasyon at pagtawa sa oppressor; at bricolage o ang paggamit ng pagkamalikhain upang makaya, makaligtas o hamunin ‘yung oppressor o dominant.





Dito sa susunod na bahagi, nais kong pagnilayan ‘yung iba’t ibang uri ng paglaban. Nagawa ko na ba ang ilan sa mga ito? Oo? Hindi? Ano nga kaya? Ako hindi ko talaga gusto ‘yung may nang-do-dominate sa akin. Gusto ko ako ‘yung nang-do-dominate. Pakiramdam ko kasi kapag may nang-dominate sa akin, mahina akong nilalang, wala akong kwenta, ‘yung gan’un ba. Naiinis talaga ako kapag may taong nag-fi-feeling na mas malakas siya sa akin; eh kasi naman pantay lang kaya kami; nagkataon lang na hindi ko gaano ginagamit ‘yung tagalay kong kapangyarihan. Iniipon ko kasi ‘yun. Haha. 


Bilang pagpapatuloy, sa mga nabanggit na uri ng paglaban, hindi ko pa naman naranasan na mag-aklas o sumali sa rebolusyon; ayaw ko kasi ng gulo, nakakatakot kaya; mas ayaw ko lalo ng dugo; ayaw ko nakakakita nang mga taong nagkakasakitan eh; ‘di ko maatim. ‘Yung sa passive disobedience, madalas ito ang ginagawa ko. Lalo na kapag ‘yung taong nang-do-dominate sa akin ay ‘yung di ko tipo. Nako, manigas na siya sa kakadada, kakautos at kung ano pa man, ‘di talaga ako susunod sa kanya. Matigas na kung matigas. Gagawin ko lang ‘yung kung alam kong matino tapos para sa ikakabuti ko pa o nang ibang tao.Hindi ko pa rin naman nagawa ‘yung paggamit ng lokasyon ng dominasyon mismo laban sa sarili nito; pati pagkupit, sabotahe at pangungupit (masama kaya mangupit; salungat kaya ‘yun sa Sampung Utos ng Diyos: “Huwag magnanakaw!”) ‘Yung sa pag-chismis, hindi ko pa naman nagawang magpakalat ng chismis ukol sa isang tao; nakikinig oo. Haha. Mahirap kasi ‘yung ganyang chismis; panigurado, away at gulo ang abot; ang tsimis kasi walang sapat na basehan eh, hindi mo alam kung totoo o imbento lang talaga; ako kasi gusto ko kung mang-chi-chismis man ako ‘yung totoo saka ‘yung may basehan ako; mahirap nang mapahiya no at saka kunwari harapin ka n’ung taong chinismis mo, may pruweba kang ipapakita na pawang katotohanan lang ‘yung pinagsasabi mo tungkol sa kanya ‘di ba? Sa feigned ignorance o pagpapatay-malisya, nako isa pa ito sa madalas kong gawin lalo na sa tatay ko; eh kasi naman madalas ang dami niyang uutos tapos itatanong nakakapagod din kaya tapos nakakairita rin paulit-ulit kasi, kaya sasagutin ko ng “di ko alam (x10)” hahaha; tapos siya na rin naman gagawa n’ung uutos niya o ‘di kaya sasagutin ‘yung tanong niya. Ganyan din ako sa mga taong ‘di ko lang talaga gusto.Tapos sa deliberate laziness o pagiging tamad ng sadya, may mga pagkakataon na ganyan ako lalo na kapag masarap magpahinga at matulog; lahat ng dahilan, idadahilan ko na huwag lang akong mautusan o ‘di kaya magtutulug-tulugan at magkukulong sa kwarto. Sa bricolage, parody at laughter, isa rin ito, minsa tinatawanan ko na lang ‘yung taong nang-do-dominate sa akin; ‘yung pipikunin, aasarin o tatawagin ng mga katawa-tawa, kapag napikon o asar siya eh di tapos na ang laban, talo siya, panalo ako, masaya pa rin ako. Isa pang uri ng paglaban na ginagawa ko na madalas-pinakamadalas ay ang pagsagot (nang pabalang) hindi naman lagi pabalang, basta sumasagot ako kapag hindi ko gusto ‘yung ginagawang pag-dominate sa akin.






Sa katunayan, habang ginagawa ko ‘tong blog entry na ito, naisip ko na may pagka-palaban nga ako (palaban pero iyakin naman, nye). Basta ayaw ko kasi na naapi ako eh, o na-a-under. Hangga’t maaari, lalaban talaga ako, siyempre sarili ko kaya ‘to. Hindi ako ginawa ng Diyos. Hindi rin naman ako pinanganak para apihin at maging alila o maging sunud-sunuran sa iba no. Sariling buhay ko kaya ‘to, ako ang boss; hindi ikaw, sila, basta ako.


Sa ating mundo, likas ang kapangyarihan, bale likas din ang paglaban ng isang tao para hindi mahigit ang kapangyarihang taglay niya. Nasa indibidwal naman ‘yan eh kung tatanggapin niya ‘yung pag­­-dominate sa kanya eh at susuko nang tuluyan o lalaban ka. Pero dapat laging tandaan na dapat marunong kang lumaban.  Kung kinakailangan mo lumaban, eh di lumaban ka. Kung alam mong nilalapastangan na ‘yang pagkatao mo, hindi na tama na tanggapin mo lang ‘yun. Harapin mo yung nang-do-dominate sa iyo.           

  Hindi sa lahat ng oras tanggap ka nang tanggap; lumaban ka. Kung sa paglaban mo, nararamdaman mong talo ka na, huwag mong iisipin na talo ka; sabihin mo sa sarili mo “hindi ako talo, hindi ako matatalo, lalaban ako hanggang sa huli”.





Mga Sanggunian
Contreras, A. (2012). CULPOLI: Lecture Note.[PowerPoint Slides]
(2012). Retrieved January 24, 2013, from http://fc07.deviantart.net/fs70/f/2012/069/9/5/fish_bat_by_xelioth-d4sd89c.gif
(2010). Retrieved January 24, 2013, from http://fc00.deviantart.net/fs70/f/2010/159/0/5/dual_ticon_by_Ace0fredspades.gif
(2012). Retrieved January 24, 2013, from http://www.pokinyeung.com/wp-content/uploads/2012/11/founders-fighting.jpg
(2007). Retrieved January 24, 2013, from http://fc07.deviantart.net/fs18/f/2007/149/7/d/Resistance_by_dexityZero.jpg

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento