Kanina sa klase, hindi kami
nagkaroon ng leksyon. Nanood kami ng mga video na magagamit namin para
makapag-desisyon sa kung anong cultural na produkto ang nais naming suriin. Sa
blog entry na ito, nais kong ikumpara ang videos na napanood ko at kung ano ang
mga ideya ko ukol sa mga ito.
Unahin natin ‘yung videos ng
Survivor Philippines Season 1 at ‘yung ginawa sa Palau. Bale, sa parehong
videos, kapansin-pansin ang pagpapakita ng mga katawan ng mga kalahok. Tingin
ko sobrang lantad talaga ‘yung mga katawan nila. Kumpara doon sa Survivor
Philippines Season 1, mas sobra at higit na lantad ang mga katawan sa Survivor
Philippines sa Palau. Isa pang napansin ko rito ay marami sa mga kalahok ay mga
may itsura- gwapo at maganda, tapos parang mga modelo sa mga magasin. May ilan
na normal lang ang itsura pero higit pa rin ‘yung talagang mga glamorosa. Sa
aking palagay, ‘yung pangangatawan ng mga kalahok ay talagang nako-commodify.
Dahil sa paglantad ng katawan, lalo na kung matipuno tapos magaganda, tiyak na
maraming manonood nito. Isa pa, ‘yung napansin ko, sa una ipapakita nila ‘yung
lugar tapos ‘yung magaganda’t kakaibang matatagpuan sa lugar na ‘yun- siyempre
ako bilang manonood, naakit sa ganda ng lugar, akala ko lugar lang ‘yung
ipapakita tapos biglang mga tao na halos hubad na. Mas lantad din ang mga
katawang ng babae kumpara sa mga lalaki. Kapag dating naman doon sa mismong
lugar o tagpuan, natural ‘yung lugar pero ‘yung vibe ay hindi kasi siyempre may
mga kamera roon siyempre kapag may kamera, iba ‘yung galaw ng tao eh, maiilang
sila kaya hindi maipapakita ‘yung natural na galaw nila. Tapos noon, ‘yun nga
noong sinabi sa amin ng aming propesor na mayroong transgendered/ transexual,
nagulat ako kasi doon sa video ng Survivor Philippines: Palau akala mo talaga
ay purong babae tapos lalaki. Nakakatuwa na kahit na ganoon siya ay hindi siya
nahiya kaya pa rin niyang ipagmalaki kung sino siya. Tapos biruin mo pinakita
niya na hindi dapat mina-marginalize ang mga tulad nila.
Ikalawa naman, ‘yung Last Song
ni Elton John. Hindi ko rin kasi kilala si Elton John pero nang lumabas na siya
doon sa video, inisip ko na parang hindi tuwid na lalaki siya tapos ‘yun nga
pinaliwanag sa amin ng aming propesor na hindi siya tuwid na lalaki (bakla raw
siya). ‘Yung sa kanta niya, dapat mapanood ng lahat ng tao ‘yun eh lalo na ‘yung
sobra mang-diskrimina sa mga bakla at tomboy. Hindi naman kasi sila dapat
tinataboy eh, tao rin naman sila, hindi naman nila kasalanan kung ‘yun ang naging kasarian nila hindi ba? Oo
ginusto nila ‘yun at dapat respetuhin natin sila kasi hindi naman nila tayo
inaano eh. May kwento ako: may pinsan kasi ako na medyo bakla bakla, nasa
in-denial stage pa siya. Bale napansin ko na ‘yun dati pa kasi siyempre sa
pagkilos niya- mapilantik, daming nilalagay sa katawan tapos ang bagal pa
kumilos. Oo inaamin ko tinutukso ko siya pero hanggang doon lang ‘yun sinabihan
ko pa nga siya na okay lang kung bakla siya eh wala namang masama roon basta ba
wala siyang natatapakang tao. Kaso nga lang ‘yung tatay niya at tatay ko
sinasabihan na kung may magiging bakla raw sa pamilya ibibitin nila patiwarik.
Siyempre natakot magladlad ‘yung pinsan ko. Sabi ko kung patuloy siyang
matatakot hindi niya malalaman ang tunay na pagkatao niya eh ‘di nandoon ‘yung
pakiramdam na may kulang sa pagkatao mo. Matino naman siya eh, masipag mag-aral
hindi naman na dahil bakla na siya eh sasama at mag-iiba na ‘yung tingin namin
sa kanya eh. Sa umpisa mahirap tanggapin kasi sa father side siya ‘yung unang
lalaking apo, pero ganoon talaga eh, saka ‘yung pagiging bakla niya hindi naman
nakakabawas sa pagkatao ‘yun eh.
Tapos ‘yung sunod na video naman
ay ‘yung kanta sa Hunchback of Notre Dame: God Save The Outcasts. Eto ‘yung
kantang inawit ni Esmerelda na nagpapahiwatig sa kung paano tratuhin ng mga
nakakariwasa at normal na tao sina Quasimodo at ‘yung iba pa. Sa bawat lipunan,
hindi na maaalis na may mga ma-di-discriminate at ma-ma-marginalize. Ganoon
kasi ginawa ang ibang lipunan eh. May mga taong mapag-mataas at mata-pobre na
akala mo kung sino sila pero higit naman na mas masasama sila kaysa sa mga
inaapi nila. Mahirap kasi sa lipunan na ganoon, sobrang onti lang ng mga tao na
nagpapakita ng malasakit sa iba kaya ang Maykapal na lamang ang makakapitan
nila. Sa awiting ito, makikita kung paano ang paghahati-hati ng antas sa
lipunan nina Esmeralda noon tapos na sobrang halaga ng pisikal na anyo.
Pinakita rin na madalas ang mga tao ay sobra humiling ng mga materyal na bagay
para sa sariling benepisyo at kaunti lamang ang walang hinihingi kundi ang
pagkakaisa at pagkapantay-pantay sa lipunan.
Panghuli, ang mga video doon sa
Kapuso Mo, Jessica Soho na ukol sa mga bakla na may pang-lalaking trabaho-
boceador, kaingero at umaakyat pa sa coconut tree. Tapos si Lady Gagita pa!
Tapos ‘yung sa macho gays, na sobrang kikisig na mga lalaki tapos ‘yun pala
bakla. Sa mga video na ito, makikita na ang kasarian na taglay nila ay hindi
sagabal sa kung ano ang nais at hangarin sa buhay. Ang lipunan lamang ang
gumagawa nang malaking usapan dito eh. Ano naman kung bakla o tomboy sila- wala
na ba silang karapatan at kalayaan? Hindi dapat ganoon ‘yun. Sobra lang kasi
manghugas ang ibang tao sa lipunan natin eh.
Sana kasabay nang pagdaloy ng panahon ay pagtanggap natin sa bawat tao sa ating lipunan kasi hindi natin namamalayan na kaya hindi rin umaasenso ang lipunan natin ay dahil sa sobra tayo mang-mata at man-discriminate nang ibang tao eh.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento