Sige Nga! Sakupin Mo Na!

on Martes, Pebrero 19, 2013

Ano kanino ka susuko, tatalima o papasakop? O lalaban ka?

May aaminin ako, sobrang kakaiba itong araw na ito. Bakit kamo? Kasi hindi gaanong nag-leksyon ang propesor namin. Ang tatalakayin naman sa araw na ito ay ukol sa Post-Colonialism at ang teoryang kaakibat nito. Pero dahil nga simula nang nag-POLTHEO at QUALPOL kami naituro na rin ito sa amin ng aming propesor sa kasalukuyan. Ayaw na rin naman niyang ulit-ulitin kasi parang sirang plaka na raw siya kapag inulit niya ulit. Ang ginagawa na lamang niya ay nagsabi siya sa klase kung ano nga ba ‘yung mga konseptong medyo malabo pa sa amin. May ilan din namang nagtanong. Gusto ko hatiin sa iba’t ibang bahagi ang blog na ito: sa una ay nais kong bigyang balik-tanaw ‘yung mga naalala ko ukol sa post-colonialism tapos ang huling bahagi naman ay ang nakuha ko mula sa isang series na pinalabas sa klase.

Ang Pilipinas ay sinakop ng iba’t ibang bansa tulad ng Espansya, Amerika, at Hapon; iba-iba rin ang tagal nila sa pananakop sa ating bansa. Siyempre sa pag-sakop nila sa ating bansa, nabahiran na rin nila ‘yung tunay o authentic na pagkakakilanlan ng lahing Pilipino. Ika nga nila ang Pilipinas daw ay diverse at nakakaranas ng clash of multiple identities gawa na rin ng impluwensiya ng mga sumakop sa atin. Nais ko nang ipasok ang konsepto ng post-colonialism. Ito ay isang teoryang tumatalakay sa mga literatura na naisulat noon o magpasa-hanggang ngayon sa mga bansang nasakop nang ibang bansa o ‘di kaya ay mag literature na naisulat ng mga bansang sumakop na tumatalakay ukol sa pananakop o sa mga nasakop. Ang mga kadalasang bagay na sinasagot ng post-colonialism ay ukol sa epekto ng bansang nanakop sa sinakop nito; binibigyang-pansin nito ang isyu ng racism, exploitation, oppression at iba pa; pinag-aaralan din nito ang naging posison ng mga taong nasakop; at naghahandog din ito ng ­counter-narrative laban sa imperial narratives. Isa pang konseptong tinatalakay ng post-colonialism ay ang decolonization siyempre hindi namang habang buhay na hahayaan natin na papasakop tayo sa kanila hindi ba? Oo nga wala sila nang pisikal sa ating bansa upang manakop pero habang mas sinasamba o yinayakap natin ‘yung mga ibinigay nila sa atin sakop pa rin nila tayo. Ang decolonization ay may dalawang  antas: ang unang antas ay tumutukoy sa pulitikal at ekonomiya ng bansang nanakop at kung paano gagawin ang ganitong uri ng pulitika bilang isang makabansa; at ang ikalawang antas ay tumutukoy sa ontolohiya at epistemolohiyang kalagyan ng bansang nasakop na matatagpuan mismo sa paglalaban at pagpupunyagi para sa identity politics. Sa ikalawang antas na ito ay makikita ang dalawang proyekto ang project of recovery (mabawa ang pagkakakilanlan na pre-colonial at ang project of reconstruction (paglikha ng pagkakakilanlang post-colonial). Ang mga teoristang kilala sa konseptong post-colonialism ay sina Franz Fanon na tumalakay ukol sa paghahanap ng pagkakakilanlan, pakikipaglaban o punyagi laban sa pananakop at ang proseso ng decolonization; si Edward Said naman ang nagpakilala sa konsepto ng orientalism at otherness at ang argumento niya ay ang orient ay pinakilala bilang kabaligtaran ng Kanluran o occident. Maliban pa rito may tatlo pang konseptio ang post-colonial theory ang hybridity, ethnicity at location.


Ayan, nakapag-balik tanaw na ako sa mga naaalala ko ukol sa post-colonialism. Kanina sa klase ay 
pinanood namin ang No Reservations ni Anthony Bourdain. Sa seryeng ito, ang Pilipinas ang itinampok. Unang kalahati pa lamang ang pinanood namin at itutuloy namin ang panonood sa susunod na pagkikita. Bale pinakita sa serye ang iba’t ibang lugar sa Pilipinas at mga pagkain. Una ay sa Ongpin, kumain sila doon ng streetfoods tapos sa may Dampa. Ikalawa naman ay sa Pampanga, kumain sila sa may karinderia tapos sa isang restawran. Grabe, nakakagutom kaya habang pinapanood namin ‘yun. Doon ko naisip na sobrang yaman ng mga Pilipino pagdating sa kaalaman sa pagluluto. Lahat yata nang pwedeng lutuin ay kayang gawing isang masarap na putahe nang mga Pinoy eh! Sarap na sarap nga ang kanong namumuno sa programa eh. Ang pumukaw ng aking pansin ay ‘yung sinabi na sa Pilipinas, mas nanaisin na makilala muna kung taga saang probinsya o rehiyon ka bago mo sasabihing Pilipino ka; kunwari Ilokano ka muna o di kaya Bikolano, uso nga talaga ang konsepto ng rehiyonalismo dito sa Pilipinas. Pero sana huwag nawa’y ito ang maging mitsa upang magkahiwa-hiwalay ang ating bansa. Sana kahit na bantog ang ganitong kaugalian sa ating bansa, sana makatulong ito upang mas makilala at mapagtibay natin ang tunay at awtentik na identidad o pagkakakilanlan ng lahing Pilipino.

Mga Sanggunian: 

Contreras, A. (2013). CULPOLI: Lecture Note.[PowerPoint Slides]. Retrieved from https://docs.google.com/file/d/0B1SygfYrMeNjYWRicGR5ZkdESGc/edit?usp=sharing
Contreras, A. (2011). POLTHEO Lecture Note: Identity Politics.[PowerPoint Slides]
Bourdain, A. (Narrator). (2010). No Reservations: Philippines [Online video]. United States: Zero Point Zero Production. Retrieved February 19, 2013, from http://www.youtube.com/watch?v=zpMsD0ACdeo; http://www.youtube.com/watch?v=RXKPdhhNI9A; http://www.youtube.com/watch?v=hFpkYvkKYjU
(n.d.). Retrieved February 19, 2013, from http://25.media.tumblr.com/tumblr_m6pi17lJP51rqfhi2o1_250.gif
(n.d.). Retrieved February 19, 2013, from https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEi_-ZQumv1cn_pb5hIfMRCxbpquXdTmUl2m5jrnCkjNUSKHDS6UOxJlRe3Jco2MnNFWLyF3GQbs9XlxQfpi36rZzXxTgjMhTvXsNlSUUM81qiDwFCAJRopHMv7N-xlt1d4btJsLow8d4eU/s1600/ALTERITY.jpg




0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento